Paalam Ivan
Hindi ko maintindihan iyong mga text ng nabasa ko. Naramdaman ko ng may hindi magandang nangyari sayo pero ayokong isipin na ganito.
Noong kasama ko nga si Kat at Gem parang masamang biro lang ito. Ang tagal bago tumimo sa isip ko na totoong nangyayari ito. Hindi naman kasi kapani-paniwala. Parang hindi totoo na lumisan ka na at hindi na babalik pa. Noon lang mag-isa akong nakasakay ng jeep saka ko hindi napigilang umiyak.
Kahapon lang iniisip ko ang Botolan. Hindi naman ako makakarating doon kung hindi dahil sayo. Hindi pa natin nakukumpleto ang “Zambalea Trilogy.” In the making pa rin ang “Zambalea Revolutions” pero malamang hindi na mag-showing.
Naaalala ko noong halos sabay-sabay tayong nawalan ng minamahal ni Shai. Malaking tulong rin iyong mga salitang narinig ko mula sayo dahil alam kong nararamdaman mo kung ano eksakto ang nararamdaman ko.
Kailan lang ba noong magkita-kita tayo sa Greenbelt? Hindi naman sumagi sa isip ko na iyon na pala ang huling pagkakataong makikita at makakasama kita.
Hindi ko na makakalimutan ang kantang “Shake Body, Body Dancer” kasi iyon ang ringtone mo at talagang sinasayawan pa natin iyon kahit na nagdadrive ka pabalik ng Manila mula Zambales.
Kapag nakakita ako ng reading glasses na walang lens, maalala kita. Tuwang-tuwa ako sa fashion sense mo at gandang-ganda ako sa mga pictures mo.
Tuwing makakakita ako ng bonfire, ikaw ang maiisip ko. Paano ko ba naman makakalimutan na muntik ng mabarbeque iyong cellphone mo imbes na iyong mga hotdog at marshmallows na binili natin?
Kapag titingala ako sa langit kapag gabi, hahanapin ko iyong Orion’s
belt na ginawa nating Orion’s headband dahil hindi ninyo siya makita noong nagstastargazing tayo. Nagpaparamihan pa tayo ng mga bulalakaw na mapapadaan. Natupad ba iyong mga hiniling mo?
Ngayong gabi, maganda ang makikita sa langit. Kaiba ang ayos ng buwan, Jupiter at Venus, parang mukhang nakangiti. Sana alam mo kung gaano karaming pagkakataon na napangiti mo kami.
Ayoko sanang sabihin ito…
Paalam, Ivan.
